Wednesday, November 12, 2014

Nasaan si Katarungan?


        
                                  Photo not mine

       
     Nasaan na nga ba si katarungan na pilit inaasam
        Sa lupang sinilingan tila naging bulag na lamang
        Parating dinidinig ngunit di nakakamit
        Hanggang senado na lang aabutin yaong banggit

        Kung may mapipiit, sa pera’y lalaya
        Mga kaso mabibinbin at tila walang pag-asa
        Yuyurakan ang dangal ng inang bayan
        Sa pagluklok sa mga dating kinasuhan

        O Pilipinas kong bayan kailan ka matututo
        Sa tuwing botohan ika’y nagpapauto
        Papagamit ka ngayon kapalit ng mamiso
        Pagdurusa ng iyong mga anak sasapitin nito
       
        Ang mahirap lalong naghihirap
        Ang mayayaman siyang nagpapasarap
        Bakit mo sinadlak ang iyong tanglaw?
        Kapalit ng barya ika’y nauhaw

        Habang si Juan ay nagkukumahog
        Maitawid lang ang gutom sa maghapon
        Si Pedro ay nagpapahangin sa kanyang kwarto
        Pumasok man o hindi ay may makukubra ito

        Sa liit ng kita ni Nena sa araw-araw
        Dugo, pawis at pagod ang puhunan
        Kakaltasan para sa pondo ng bayan
        Ngunit ginhawa ay hindi maramdaman

        Kapag may kaso ang kinauukulan
        Sari-saring sakit ang dinadamdam
        Ngunit habang nagpapakasasa sa kaban ng bayan
        Ang kalusugan o edad ay sadyang di alintana

        Bakit ka naging mailap katarungan?
        Tayo nama’y magkakalahi sa iisang bayan
        Ngunit bakit ang katotohanan ay pilit binabaluktot
        Upang ang may sala ay di mamaluktot

        Matatawag ka pa bang katarungan?
        Kung wala namang mapaparusahan
        Kung ika’y di rin lang para sa lahat
        Ang iyong kahulugan ay kathang isip na lang.

       
        

No comments:

Post a Comment