Saturday, October 24, 2009

Affected

Ewan ko ba lagi na lang akong tinatamaan ng MMK ang episode na naman ngayon e tungkol sa mga batang gustong mag-aral pero di makapag-aral dahil sa kahirapan. Ilang beses na ako nakanood ng mga ganitong tema pero ang sakit pa rin panoorin kasi wala kang magawa para makatulong. Piling ko tuloy napagbubuntunan ko yung kapatid ko kasi lagi ko siyang pinipilit magsikap naman sa pag-aaral niya at wag sayangin ang oportunidad dahil nga hindi lahat mapalad na nakakapag-aral at nagagawang magpasasa sa buhay.

Bagamat hindi naman ako palaaral noong ako'y nag-aaral pa, nailagay ko sa lugar, hindi sa pagbubuhat ng sariling bangko nagsikap naman din ako noong kailangan kong makapasa sa mga exam lalong lalo na sa board exam. At kahit kailan hindi nahirapan ang mga magulang ko na sabihan akong mag-aral dahil yun ang ayaw ko ang masayang ang paghihirap nila kahit pa sabihin na natin masakit man pero totoo na matapos ang lahat ng taong ginugol ko sa pag-aaral mag-iisang taon na rin akong walang trabaho. Gayunpaman, hindi ko pinagsisisihan na nag-aral ako ng mabuti noon bagkus iniisip ko pa nga na sana mas pinagbutihan ko pa para nakaakyat ang mga magulang ko sa entablado, ambisyoso man pero ganun ko gustong ipadama sa kanila na hindi sila nagkamali na pag-aralin ako.

Naiisip ko pa rin sa kabila ng nakakalungkot na estado ng mga nurses sa kasalukuyan dito sa ating bansa na hindi pa rin masasayang ang pinag-aralan ko dahil pasasaan pa ay magagamit rin namin ito. Kahit pa mayroong laman ang utak mo pero nagagawa ka pa ring laitin at maliitin ng kapwa mo, hinding-hindi ko pa rin ipagpapalit ang edukasyon. At sana lahat tayo ganito, hindi tayo dapat magpasukol sa kahirapan at lalong hindi natin dapat isuko ang ating mga pangarap. Maaaring hindi natin makuha yon ngayon pero may bukas na nakalaan para sa bawat isa. At yun na lang ang pinanghahawakan ko kasi kung alam lang ng ibang mga tao kung ano ang pakiramdam naming mga long-time unemployed nurses dito sa Pinas baka hindi niyo kayanin. Kasi kami nahihirapan din pero ako sa sarili ko ipinangako ko na sa Kanya na hinding-hindi ako bibigay sa hamon ng panahon dahil alam kong malinis ang intensyon ko at hangad ko pang makatulong.

Sana talaga matuto tayong ilagay ang sarili natin sa mga paa ng ating kapwa ng sa gayon ay madama natin ang hirap nila at maibsan ang bigat ng kanilang dinadala. Maging daan ito upang matigilan ang umiiral na panlalamang sa kapwa, hilahan at paninirang-puri. May mga maliliit na taong nagsusumikap, may mga pinalad na nananamantala, bakit hindi tayo magkaisa para magkita tayong lahat sa gitna nang kahit minsan madama natin na kaya pala ng Pilipinas ang makatayo sa sarili niyang paa.

No comments:

Post a Comment